JESUS IS LORD CHURCH, Balagtas, Bulacan
Central Area 2
Church Pastor: Pastor Edgardo Alday
Church Address: Enriquez’ Residence 530 Purok 5 Wawa Balagtas, Bulacan;
Sunday Service: 8:00AM – 10:00 AM
Schedules
“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang sinumang sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16). Ito ang dakilang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa lahat ng tao at sa buong mundo. Ang pagmamahal na ito ng Panginoon ang siyang dahilan kung bakit Kanyang pinahintulutan na sa isang bayan ng lalawigan ng Bulacan, ang bayan ng Balagtas ay maisilang din ang Jesus Is Lord Church.
Ang bayan ng Balagtas ay unang tinawag na Caruya. Hanggang sa ito ay tawaging Bigaa, isang uri ng puno na laganap din sa lugar na ito. Dito nagmula ang isang lalaki na batikang manunula at magaling sa batagtasan na ang pangalan ay Francisco Baltazar. Bilang pagbibigay karangalan kay Francisco Baltazar ang bayang ito ay tinawag na Balagtas. Ito ay may kabuuang laki na 2,866 hectares. Ito ay binubuo ng 11,386 na pamilya at may kabuuang populasyon 53,044 (CBMS Survey March 2005). Ang Balagtas ay binubuo ng siyam na barangay - Panginay, Wawa, San Juan, Longos, Borol I, Borol II, Dalig, Pulong Gubat at Santol. 
Taong 1978 buwan ng Oktubre nang ang Jesus Is Lord Fellowship ay maisilang sa pamamagitan ng paggamit ng Diyos sa buhay ni Bro. Eddie C. Villanueva. Mula sa bayan ng Bocaue ay nagpasimula itong lumaganap sa iba’t-ibang lugar kasama na ang bayan ng Balagtas. Taong 1982 buwan ng Nobyembre ay napasimula ang isang Bible Study sa Borol I, isang barangay sa Balagtas sa tahanan ng pamilya Ventura. Nagpasimulang lumago ang gawaing ito dahil na rin sa tulong, kapangyarihan at gabay ng Banal na Espiritu. Maraming tao ang napagpapala sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Salita ng Diyos kung kaya’t ang paglago ng gawain ay di napigilan.
Dumating sa mga mananampalataya ng Balagtas ang isang matinding pagliglig at pagsubok sa kanilang pananampalataya at paglilingkod sa Diyos nang taong 1986. Gayunman ay napatunayan ang sinabi ng Bibliya na ang tunay na Gawain at Iglesya ng Diyos ay hindi mabubuwag. Sa pagtutulungan ng mga kamanggagawa sa JIL ay napasimulan ang panibagong Bible Study sa barangay Borol I sa Divine Grace Village sa tahanan ng pamilya Infante. Ito ay pinangunahan ni Sis Marylin Cusia at kalaunan ay naipagkatiwala kay Sis Detchie Nonan. Nabuksan pa ang mga karagdagang Bible Studies sa barangay ng Panginay sa pamilya Hilario, barangay San Juan sa pamilya Cariño at sa barangay Longos sa pamilya Ignacio. Taong 1992 nang maitalaga ang panibagong manggagawa ng Diyos sa katauhan ni Pastor Jun Limano bilang siyang pastor na mamamahala sa JIL Fellowship. Ang paglaganap ng Salita ng Diyos sa Balagtas sa pamamagitan ng JIL Fellowship ay nagpatuloy hanggang sa ang siyam na barangay ng Balagtas ay nagkaroon lahat ng Bible Study nang taong 1994.
Mula taong 1986 hanggang 1995 ang mga Bible Studies ay ginaganap sa tahanan ng mga kapatiran. Ang iba’y sa ilalim ng panungkahoy ginaganap. Nagtulong-tulong at nagtiyaga ang mga kapatiran at mga manggagawa kahit pa minsan ay kinakailangang maglakad sa mga barangay para lamang makarating sa mga gawain. Ang gawain ay nailipat taong 1995 sa barangay Wawa sa tahanan ng pamilya Enriquez. Hanggang sa ngayon ay doon ginaganap ang Sunday Service at patuloy ang pananalangin para sa permanenteng lupa at gusali para sa gawain. Noong una ay “general fellowship” pa lamang ang tawag sa gawain. Ito ay ginaganap tuwing Linggo ng hapon hanggang sa nalipat ng umaga at noong July 6, 2003 pormal itong ituring na isang Sunday Service.
Ang paglaganap ng gawain at pagdami ng mga dumadalo ay nagpapatuloy kaya’t kinailangan na mabuksan ang isa pang Sunday Service sa barangay Santol noong August 14, 2005. Sa ngayon ang JIL Church Balagtas ay may 2 Sunday Services, 1 midweek Service at may 56 na Cell Groups sa 9 na barangay. Nagkaroon ng pagbabago sa pamunuan nang si Pastor Jun Limano ay maging Area 2 Pulpit Minister kung kaya’t kinailangan na ilipat sa iba ang pamumuno sa Balagtas. Sa ngayon ang JIL Church Balagtas ay pinangungunahan ni Pastor Edgar M. Alday bilang church pastor katulong ang dalawang assistants na sina Pastora Tess Sanchez at Pastor Totoy Donato. Ang bayan ng Balagtas ay nasasakop ng Area 2 na pinamumunuan ni Ptr Rod Flores bilang area pastor.
Sa biyaya at pagsama ng Panginoon na nagpasimula ng Jesus Is Lord Church, ang JIL Church Balagtas Chapter ay magpapatuloy sa paglago at mag-aalay ng mataas na karangalan sa pangalan ng Panginoong Jesus.
JIL Balagtas Schedules
Church Anniversary
Every 3rd Sunday of November
Prayer and Fasting
Every 3rd Saturday of the month
Midweek Service
Wednesdays, 7:00PM
General Fellowship
(Brgy. Santol, Dalig, Pulong Gubat)
Saturdays, 8:00AM
JIL12 Seminar
Sundays, 2:00PM – 5:00PM
Feeding, Prayer and Rededication
(Leader & Workers)
Sundays, 7:00PM
Gatekeepers Fellowship
Every last Sunday of the month, 10:30 AM
Win Prayer Meeting
Tuesdays, 6:00AM
SOS Fellowship
Every birthday of each member
VIA / JAM Fellowship & Training
Tuesdays & Thursdays, 7:00PM
Elyondoulos Fellowship & Training
Saturdays, 2:00PM
>>back to top